Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na natugunan na ang kakulangan sa reagents at sequencing kits sa bansa.
Una kasing nagkaubusan ng reagents kaya’t naapektuhan ang bilang ng mga sample na isinasailalim sa genome sequencing para malaman kung anong variant ng COVID-19 ang tumama sa pasyente.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ang dahilan kung kaya’t itinigil ng Philippine Genome Center (PGC) at University of the Philippines-National Institute of Health (UP-NIH) ang paggamit ng malaking makina para sa genome sequencing.
Sa ngayon aniya ay ang mas maliit na equipment ang gamit na kaya lamang sumuri ng 48 samples.
Pero kagabi aniya ay dumating na ang reagents at minamadali na nila ang pagrelease nito sa Customs.
Bukod dito, inaasahang sa linggong ito darating ang sequencing kits para magamit na ang mas malaking makina na kayang sumuri ng hanggang 750 samples.
Para naman maiwasan ang sitwasyon na kakapusin muli ng reagents ang PGC at UP-NIH, sinabi ni Vergeire na mula sa 2-3 buwan ay gagawin na nilang hanggang 6 na buwan ang suplay na bibilhin.
Partikular na kukunin ang supply ng reagents sa Singapore at Estados Unidos.
Umaabot naman sa P362 milyon ang pondong hinihingi ng DOH sa Budget Department para sa isang taong pangangailangan ng PGC, UP-NIH at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa genome sequencing.