Aminado ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ang kakulangan sa sasakyan ang nakapagpapabagal sa evacuation sa mga Pilipino sa Sudan.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, sa ngayon ay may isang bus pa lamang ang ginagamit sa paglilikas sa mga Pinoy roon.
Aniya, wala rin kasing visa sa Egypt ang Pinoy repatriates at kapag makapasok na sila sa Egypt ay may isa pang ruta na daraanan sa Aswan, South Egypt.
Ang Aswan aniya kasi ay tourist area sa Egypt at may hotels doon kung saan pwedeng manatili muna ang mga Pinoy.
Mula sa Aswan ay ililipad naman sila patungong Cairo at doon na sila sasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Umapela naman ang DFA sa mga natitira pang Pinoy sa Sudan na huwag mawawalan ng pag-asa dahil patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan.
Sa harap ito ng may ilan nang mga Pinoy sa Sudan ang labis na nababahala dahil ngayong tapos na ang Ramadan ay mas lalo pang titindi ang bakbakan doon.