Aabot na lamang sa dalawa hanggang tatlong araw bago ma-replenish o mapunuan ang kakulangan sa suplay ng paracetamol at iba pang anti-flu pills.
Ayon kay Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) Vice President Jannette Jakosalem, sa ngayon ay doble kayod na ang mga manufacture para maibalik sa normal ang supply ng mga gamot para sa lagnat.
Sa Metro Manila, posibleng aabot lang ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagbabalik sa supply habang mas matagal aniya ng kaunti sa probinsya.
Binigyang-diin ni Jakosalem na bukod sa brand na “Biogesic” ay may iba pang brand at generic medicines na available sa mga botika.
Itinanggi rin nito na may nagaganap na hoarding at pagtaas sa presyo ng paracetamol at iba pang anti-flu pills.
Noong Martes ay humingi ng paumanhin sa publiko ang local pharmaceutical giant na Unilab Inc., dahil sa pansamantalang kakulangan ng supply ng kanilang paracetamol dahil umano sa “extraordinary [high] demand.”