Cauayan City – Problema pa rin ang kakulangan sa suplay ng tubig para sa mga sinasakang bukirin sa Brgy. Culalabat, Cauayan City, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Brgy Kapitan Benigno Ramoran, marami pang mga bukirin sa kanilang lugar ang hindi pa nakakapag simula ngayon wet cropping season dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Aniya, bagama’t may alternatibong paraan sa pagpapatubig katulad ng paggamit ng water pump, marami pa rin sa mga magsasaka ang walang sapat na makinarya at pera na gagamitin para rito.
Sinabi nito na ikinababahala nila na maaaring maabutan ng panahon ng bagyo ang kanilang mga pananim na palay kapag hindi pa nakapagsimula sa pagpupunla ngayon.
May mga pagkakataon rin na pinipili na lamang umano ng mga magsasaka na isanla ang kanilang mga bukid dahil hindi na nila kaya pang tustusan ang gastusin para rito.
Umaasa pa rin si Kapitan Ramoran na makakahabol pa sa pagpupunla at pagtatanim ang mga natitirang bukirin sa kanilang barangay.