KALABISAN | Amnesty International, pinuna ang human rights policy ng Pilipinas

Manila, Philippines – Muling pinuna ng Amnesty International (AI), isang grupong nagbabantay sa mga kalabisan at pang-aabuso sa karapatang pantao sa buong mundo ang hindi magandang human rights policy ng Pilipinas.

Ayon kay Jose Noel Olano, Section Director ng AI sa Pilipinas, iilang pamahalaan lang sa buong mundo ang naninindigan para sa human rights.

Partikular na pinuna ng grupo ang kampaniya kontra ilegal na droga ng Duterte administration.


Giit ni Olano, tila planado, organisado, at may pahintulot ng mga otoridad ang mga nangyayaring pagpatay na maaaring ituring na crimes against humanity.

Sinabi pa ni Olano, na hanggang ngayon ay walang makabuluhang imbestigasyon na nakikita sa Pilipinas para sa mga pagpatay na ito at marami ang natatakot na magsumbong.

Maliban pa rito aniya ang patuloy na pananakot at pag-atake sa media at mga personalidad na kritikal sa gobyerno.

Tinukoy din ng grupo ang iba pang banta sa human rights, tulad ng death penalty, pagbaba sa siyam na taong gulang ng minimum criminal age o ang edad na puwedeng mapanagot sa batas ang isang bata, at ang nationwide martial law.

Facebook Comments