Manila, Philippines – Walong dayuhan at 24 na mga Pinoy na sangkot sa transnational crime ang inaresto ng mga otoridad sa isang gusali sa Ortigas, Pasig City.
Bitbit ang dalawang search warrant, sinalakay ng mga pulis ang tanggapan ng wolmington capital advisers sa room 2414 medical building para sa mga kasong paglabag sa ra 8799 o securities and regulation code in relation to republic act 10175 o cybercrime prevention act of 2012.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang ken gamble, executive chairman ng internet fraud watchdog global investigation na nakabase sa Australia.
Hiniling nitong imbestigahan ang pagkakasangkot sa transnational crime ng grupo ni Owen Lloyd Sterling kung saan maraming investors ang hinihikayat na maglagak ng pera sa isang investment scam na kung tawagin ay “boiler room operation”.
Kabilang sa nadakip ang British National na sina nathan sterling, Shane Jenkins at Joseph Christophe; American National na sina Robert Endrazak, Matthew Lyon at Paul Carnay; Canadian na si Craig Walt at Ghanaian National na si Michael Asante.
Bukod sa kanila, 24 na Pinoy na pawang mga taga-Metro Manila rin ang naaresto habang tinutugis pa ang lider ng grupo na si Owen Lloyd Sterling.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga telepono, calculator, index card kung saan nakasulat ang mga personal na impormasyon ng kanilang nabiktima, mga laptop, desktop computers at flash drives na ginagamit sa kanilang operasyon.