Manila, Philippines – Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng nagsasangla umano ng condominium unit gamit ang pekeng titulo.
Hinuli sa isang restoran ang suspek na si Cristina Flores matapos tanggapin ang P150,000 mula sa complainant bilang bayad sa sinasanla nitong condo unit.
Ayon sa biktima, natuklasan niyang nagsisinungaling si Flores nang makitang peke ang hawak niyang titulo sa condo.
Nagmakaawa naman si Flores dahil nasunugan raw siya ng bahay kaya nagawa ang krimen.
Pero giit ng biktima, matapos niyang magbayad ng P150,000 downpayment kay Flores, ilang retrato na raw ng burol ang pinadala nito para maawa siya at magbigay pa ng pera.
Pati retrato ni Flores at ang anak daw niyang may sakit na nanganailangan ng pang-ospital ay pinadala rin sa biktima.
Hanggang sa malaman niyang gawa-gawa lang ni Flores ang ilan sa mga kuwento nito.
Muli namang nagpaalala ang NBI na huwag agad maniwala sa mga katransaksiyong nakilala lang sa Facebook.