Arestado sa ikinasang entrapment operation ng special operations unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang lalaking nagpakalat ng mga hubad na larawan at video ng kaniyang naging karelasyon.
Ayon sa biktimang si Erika, nagkakilala sila sa online games noong isang taon ng suspek na si Jeffrey Dizon hanggang sa magkaroon sila ng relasyon.
Aniya, nakumbinsi rin siya ng suspek na magpadala ng mga hubad na video at larawan.
Pero nitong Abril, pinipilit na raw siya ni Dizon na hiwalayan ang kaniyang mister.
Dito na aniya niya pinutol ang kanilang relasyon pero hindi pumayag ang suspek.
Aminado naman ang suspek na pamilyado rin pala at may dalawang anak sa kaniyang ginawa sa biktima.
Sa kabila ng nangyari, napatawad naman si Erika ng kaniyang mister.
Kinasuhan na ng kasong paglabag sa anti-photo and video voyeurism act ang suspek.