*Cauayan City, Isabela- *Nananatili pa rin na nasa maayos na kalagayan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL’s) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City kasabay nang nararanasang mainit na panahon sa bansa.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Jail Chief Inspector Atty. Romeo Villante, Jail Warden ng BJMP Cauayan City, nasa 195 na PDL’s na lamang ang natitira sa kanilang apat na selda at mas nakakagalaw na anya ang mga ito ng mabuti.
Nilinaw ni Jail Chief Inspector Villante na wala naman anyang PDL sa kanyang pinamumunuan ang may malubhang karamdaman lalo na ngayong summer.
Nagsasagawa anya sila ng mga aktibidad gaya ng paglalaro ng basketball upang maiwasang magkasakit ang mga naiwang PDL’s at magkakaroon ng film viewing ngayong semana santa upang mapaalalahanan ang mga ito at makapagnilay-nilay.
Bukod dito, pinapayuhan rin ng naturang tanggapan ang mga inmates na magtipid sa paggamit ng tubig upang hindi masayang at makatulong sa pagbaba sa halaga ng kanilang kuryente.
Samantala, Bukas lamang anya ang kanilang tanggapan sa lahat ng mga gustong magbigay ng tulong at donasyon para sa mga PDL’s.