Nagkabarilang Pulis at Kapitan, Nasa Maayos na Kalagayan

Cauayan City, Isabela- Nasa stable na kalagayan na ang Barangay Kapitan at Pulis na nagkabarilan sa Brgy. Manano, Mallig, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Clarence Labasan, hepe ng pulisya, maayos na ang kalagayan ng nabaril na pulis na si PCpl. Eduardo Santiago, 41-anyos, may-asawa, nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit (PIU) ng PNP Mallig, residente ng Cabatuan, Isabela at Kapitan ng Barangay Trinidad na si Jolly Ladiero, 53-anyos na residente rin sa lugar.

Una rito, nagtungo ang mga alagad ng batas sa bahay ng Kapitan upang isilbi ang search warrant nito para sa paglabag sa RA 10591 subalit hindi nadatnan ng mga pulis sa bahay si Ladiero.


Hinanap ng mga pulis si Ladiero hanggang sa namataan ito na sakay ng kulong-kulong at nang sila ay makita ng kapitan ay kumunot umano ito ng noo.

Ayon kay PCapt Labasan, nakasibilyan ang ilang mga pulis na magsisilbi ng search warrant at napa-kunot noo umano ang Kapitan nang siya ay kanilang lapitan.

Posible aniya na napagkamalan lamang ng Kapitan si PCpl. Santiago kaya’t binunot nito ang dalang baril at ipinutok sa pulis na tumama sa kanyang kamay.

Dito ay dumepensa ang pulis kaya’t nabaril ang tagiliran ng Kapitan.

Dagdag pa ng Hepe, tumakas pa ang Kapitan matapos ang insidente subalit nadakip rin ito ng mga pulis sa tulong na rin ng mga residente sa lugar.

Nabatid na dati nang nasilbihan ng Search Warrant ang Kapitan dahil din sa pag-iingat nito ng mga iligal na baril.

Sakaling maberipika na walang kaukulang dokumento at lisensya ang ginamit na baril ng Kapitan ay isasampa agad ngayong araw ang kanyang karagdagang kaso na paglabag din sa RA 10591.

Facebook Comments