Pinaiimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa Senado ang estado at kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa sa tinaguriang “gig economy.”
Nakasaad sa Senate Resolution No. 732 na inihain ni Hontiveros na layunin ng pagdinig na matugunan ang mga ulat ng unfair working practices na nararanasan ng delivery riders, motorcycle taxi riders, Grab car drivers at iba pang freelancers sa gitna ng pandemya.
Diin ni Hontiveros, kaakibat ng tumataas na demand sa part-time at temporary jobs ay ang paglaganap ng kawalan o kakulangan sa kanilang benepisyo at ang iba sa kanila ay hindi rin itinuturing na empleyado.
Umaasa si Hontiveros na kanilang masosolusyunan ang kawalan ng nabanggit na mga manggagawa healthcare benefits, 13th month pay, retirement pay, leave credits, days-off, at iba pang mga uri ng basic labor rights sa ilalim Labor Code.
Sabi ni Hontiveros, sa pamamagitan ng pagdinig ng Senado ay mahihimok din ang mga mambabatas na lumikha ng permanenteng social safety nets para sa lahat ng uri ng mga manggagawa lalo na ang mga gig economy workers.