Kalahati sa POGO, umalis na sa bansa

Umalis na sa Pilipinas at lumipat sa mga bansang Cambodia at Dubai ang kalahati sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil sa mataas na buwis na itinatakda ng Republic Act No. 11590.

Sinabi ito ni Philippine Amusement and Gaming Corporations o PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco sa budget hearing ng Committee on Appropriations.

Ayon kay Tengco, tumaas ang buwis sa POGO pero hindi naman tumaas ang kanilang kita kaya mula sa 60 licensed operators ng POGO ay 30 na lang ang nasa bansa kung saan 27 ang nananatiling aktibo habang ang tatlo ay hindi na operational.


Samantala, base naman sa presentasyon ng PAGCOR ay lumalabas na kumita ito ng tinatayang nasa 54 billion pesos ngayong 2022.

Base sa datos ng PAGCOR ay nasa ₱27.7 billion  na ang kita nito mula January hanggang June 2022.

Nasa ₱35.4 billion ang kita ng PAGCOR noong 2021 habang nasa 22 billion ang kontribusyon nito sa nation building at ngayong taon ay inaasahang ₱35.5 billion pesos ang magiging contribution nito sa kaban ng bayan.

Facebook Comments