Nadiskubre ng Philippine Marines ang isang marijuana plantation sa Luuk, Sulu habang nagpapatrolya sa Sitio Garid, Barangay Kan-Mindus, Luuk, Sulu kahapon.
Ayon kay Marine Batallion Landing Team o MBLT 8 Civil Military Operation Officer Captain Maria Rowena Dalmacio na bago nadiskubre ang marijuana plantation, nakasagupa muna nila ang ilang miyembro ng Abu Sayyfaf Group (ASG).
Kaya natunton ang isang barong-barong na pagmamay-ari ng ASG member na si Merson Alah Awwalun.
Siya ay dating konektado sa napatay na ASG sub-leader na si Alhabsi Misaya.
Ang barong-barong ay nagsisilbing drug den ng mga ASG at malapit dito ay ang tatlong marijuana plantation na may land area na 300 square meters.
Batay pa sa ulat ng Philippine Marines pinagbubunot ng mga sundalo ang mga tanim na marijuana na aabot sa mahigit kalahating milyong piso ang halaga at kinumpiska rin ang mga drug paraphernalia sa drug den ng ASG.
Matatandaan nitong May 10, 2020, una nang nakarekober ng marijuana plantation ang militar sa lugar na aabot sa halagang 2.2 million pesos.
Sa ngayon, mas nakaalerto ang mga tauhan ng 4th Marine Brigade kasama ang MBLT 8 matapos ang nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 15 katao.