Kalansay ng babae, natagpuan sa isang bahay na umano’y nakakandado nang 18 buwan

5418
Shutterstock image)

MAHARASHTRA, India – Labis na ikinagulat ng isang home-owner ang tumambad na kalansay sa loob ng plastic drum nang buksan niya ang isang pinauupahang bahay na nakakandado ng 18 na buwan.

Sabi ng Palghar police nito lamang Lunes, nagtungo sa kanilang himpilan si Lokesh Mithalal Jain, ang may-ari ng bahay kung saan nakita ang buto ng babae.


Napagpasyahan niya raw buksan ang nakasarang kwarto matapos umalis ang kanyang tenant na dating nakatira rito  limang buwan na ang nakakalipas.

Hindi na rin daw ito nagbabayad ng renta kahit pa nangakong ipagpapatuloy ang bayad basta hindi ibigay sa iba ang naturang kwarto.

Dahil nananatili itong bakante sa mahabang panahon at hindi narerentahan, nagpasya si Jain na buksan na ito kaya laking gulat siya nang matagpuan ang isang drum na may lamang kalansay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, hinihinalang pagmamay-ari ni Bulbul Jha, 20 ang bangkay, na dati umanong nakatira sa kwarto kasama ang kanyang asawa na si Deepak Jha, 25 at ilang kaanak.



Nabanggit ni Jain na Pebrero 2019 nang maghain ng reklamo si Bulbul Jha dahil sa pananakit ng asawa na muntik pa umano siyang sunugin.

Inaresto noon si Deepak Jha ngunit napalaya rin kinalaunan matapos magmakaawa ang pamilya nito na iurong ni Bulbul Jha ang kaso ngunit tumanggi raw ito.


Maaaring ito raw ang dahilan kaya ito pinaslang at itinago’t iniwan sa loob ng inuupahang bahay.

Malaki naman ang pagtataka ng mga pulis at ni Jain na wala man lang kahit sino sa lugar ang nakapansin ng masangsang na amoy sa loob ng ilang buwan.

Facebook Comments