*Echague, Isabela- *Nananawagan ngayon si Lt Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA sa mga mamamayan sa Isabela at sa mga karatig lugar na magtungo sa kanilang himpilan upang kilalanin at tukuyin ang kanilang nadiskubreng bungo at kalansay ng tao.
Lalo na umano sa mga residente na may miyembro sa pamilya na posibleng sumapi sa rebeldeng grupo na hindi na bumabalik at nagpapakita.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay LT Col Dulatre, noong Marso 21, 2019 habang nagsasagawa ng security operations ang tropa ng 86th IB sa bulubunduking bahagi ng Brgy. San Miguel, Echague, Isabela ay nadiskubre ng kasundaluhan ang hiwa-hiwalay na kalansay ng isang tao.
Malaki anya ang kanilang paniniwala na ang kanilang natagpuang mga buto ay bangkay ng isang New People’s Army (NPA) na iniwan ng mga kasamahan na napalaban sa tropa ng pamahalaan noong nakaraang taon.
Napag-alaman rin na isang dayuhan ang may-ari ng kalansay dahil wala naman umanong nawawalang residente sa buong nasasakupan ng Echague.
Nakapag-request na anya ang kanilang himpilan sa SOCO at PNP Echague upang maipasuri kung kanino ang nadiskubreng bungo kung saan napag-alaman na mayroon itong tama sa kaliwang bahagi ng ulo.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang findings ng SOCO Team sa Santiago City kaugnay sa natagpuang mga buto at bungo ng tao.