Kalansay ng tao, natagpuan sa isang taniman ng tubo sa isang bayan sa Capiz

Panit-an, Capiz – Isang kalansay ang natagpuan sa isang taniman ng tubo sa Sitio Bantaaw, Barangay Cogon, Panit-an, Capiz kahapon. Ito ang kinumpirma ni PO2 Dale Daliva, imbestigador ng Panit-an PNP.

Ayon sa kanya, nakita ng isang residente ang kalansay na may suot pang damit, shorts, nakasinturon at may tsinelas.

Nakita rin ang ibang kagamitan kagaya ng relo, singsing, cellphone at putol na kutsilyo na posibleng pag-aari ng nasabing kalansay.


Pagkalipas ng ilang oras nang marinig sa DYVR RMN Roxas, kinilala ng mga kaanak na ang natagpuang kalansay ay si Jade Ressian Bacli, 21 anyos ng Barangay Ibaca, President Roxas, Capiz.

Ayon sa ama ng biktimang si jade, noong Hulyo 15, 2017 pa nawawala ang kanilang anak at posibleng tinangay ng hindi pa nakikilalang mga suspek at pinatay bago itinapon sa lugar kung saan natagpuan ang kanyang kalansay.

Kinumpirma din ng ama na isang drug surrenderee ang anak nitong si Jade Ressian Bacli.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa naturang krimen.

Facebook Comments