
Cauayan City – Suliranin ng mga Taga Brgy. Nungnungan II ang pagtatapon ng basura at basag na bote ng mga biyaherong lumalabas sa Lungsod ng Cauayan sa kahabaan ng Bypass road.
Gayunpaman, ayon kay SK Chairperson Adam Ruffy B. Eugenio, patuloy ang kanilang kampanya sa pagpapanatiling malinis ang kapaligiran ng Barangay Nungnungan II, partikular sa mga lansangan.
Ayon sa opisyal, isa sa kanilang pangunahing suliranin ay ang walang habas na pagtatapon ng basura sa nasabing lugar. Kabilang dito ang mga basag na bote at patay na isda gaya ng kiwet, na umano’y isinasaboy ng ilang residente o dumadaan mula Cauayan.
Ayon pa kay Eugenio, ang ganitong gawain ay hindi lamang nakasasama sa kalikasan, kundi nagdudulot din ng panganib sa kaligtasan ng mga motorista at residente.
Nanawagan ang opisyal sa pakikiisa ng buong komunidad upang masugpo ang iresponsableng pagtatapon ng basura at mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng barangay.









