Dagupan City – Dumagsa ang mga aplikante sa katatapos na Kalayaan Job Fair 2019 mula sa iba’t ibang parte ng Pangasinan para sa tampok na higit kumulang 3,000 na mga trabaho mula sa local at overseas employers.
Umabot sa humigit kumulang 700 na mga aplikante ang dumalo sa nasabing job fair at karamihan ay mga fresh graduate. Ayon sa DOLE Pangasinan at PESO Dagupan mataas na umano ang bilang na ito kumpara sa mga nakaraang job fair nila. Nasa 15% naman o 108 na mga aplikante ang hired on the spot at ang ilan ay nasa waiting list pa ng mga kompanyang lumahok.
Bukod sa mga first timer applicants dumagsa din ang mga suki na ng job fairs maging ang mga currently employed na nakikipagsapalarang makakuha ng mas magandang klase ng trabaho.
Samantala sa buong rehiyon uno nasa humigit kumulang 8,000 na mga trabaho ang handog ng iba’t ibang job fairs na ginanap sa Candon, San Fernando City, at Dagupan City. Nauna rito nagsagawa narin ng job fairs ang ahensya noong May 1 sa Lingayen, Urdaneta City, at Ilocos Norte. Ayon kay DOLE Region 1 Director Mr. Nathaniel Lacambra ginagawa nila ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga taga rehiyon uno na makapunta sa mga nasabing job fairs at hindi bumyahe ng napakalayo.
Maglulunsad din ang ahensya ng mga job fairs sa PSU Bayambang at San Carlos Campus ngayong araw bilang tulong sa mga graduating students na makahanap agad ng maaaring mapasukang trabaho.