Kalidad ng tubig sa Lawa ng Taal, bumaba pa ayon sa BFAR

Inihayag ng pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 4A (BFAR) na mas bumaba pa sa standard level ang sukat ng dissolved oxygen sa Lawa ng Taal sa Batangas.

Ito’y batay sa pinakahuling resulta ng isinagawang pagsusuri ng BFAR- Region 4A sa kalidad ng tubig sa lawa.

Ayon kay BFAR-4A Regional Director Sammy Malvas, naitala ang 4.05-4.85 milligrams/liter na sukat ng dissolved oxygen sa fish cage areas at open water area sa lawa na mas mababa pa sa standard level na 5.0 mg/liter.


Naitala rin ang mas mataas na konsentrasyon ng ammonia (.09-0.18mg/liter at sulfide (.06-0.21mg/liter) na parehong lagpas sa pamantayang tanggap at mapanganib para sa mga isda sa mga open water areas at fish cage areas.

Pinayuhan ng BFAR ang lahat ng Local Government Units na nakapalibot sa Lawa ng Taal na paigtingin ang pagmamatyag sa kanilang alagang isda at anihin ang mga malalaki na sa itinakdang window hour.

Dagdag pa ng BFAR na dapat gawin din ang nararapat na hakbang tulad ng paggamit ng oxygen tanks, pump at engine sets upang maiwasan na magkaroon ng fish mortality o fish kill.

Facebook Comments