Inihiwalay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga lugar ng mga kababaihan at kabataan sa mga evacuation centers para na rin sa kanilang kapakanan.
Ayon kay DSWD Secretary Virginia Orogo ang child- and women-friendly spaces ay binuo alinsunod sa umiiral na batas na Children’s Emergency Relief and Protection Act.
Layunin nito na pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga kababaihan at kabataan habang nasa loob ng evacuation centers sa panahon ng kalamidad o emergency na sitwasyon.
Sa ilalim ng batas, ang mga kabataan ay dapat isailalim sa psychosocial counseling, bigyan ng palaro, educational activities, art therapy sessions at supplementary feeding at iba pa na siya namang ginagawa ng DSWD.
Habang ang women-friendly spaces ay para naman magkaroon ng privacy ang mga kababaihan at mga pangangailangan ng mga senior citizens.
Batay sa pinakahuling datus ng DSWD, malaking bilang ng pamilya na abot sa 76,270 o 288,673 katao ang nagsiuwian na sa kanilang bahay mula sa 473 evacuation centers na nanatiling bukas sa 7 rehiyon sa bansa.