Kaligtasan ng cyberspace ng bansa, tiniyak ng gobyerno

Dumalo mismo si Pangulong Bongbong Marcos sa pirmahan ng isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP at National Intelligence Coordinating Agency o NICA.

Sa mensahe ng pangulo, sinabi nitong ang okasyon ay pagpapatuloy ng pagsisikap ng gobyerno na protektahan ang bansa laban sa anupamang pag-atake sa cyberspace.

Giit ng pangulo na kritikal ang papel ng NGCP sa pang-araw-araw na buhay kaya importanteng magkaroon ng mataas na antas ng kapabilidad upang mapalakas ang aspetong pang depensa ng bansa laban sa anumang posibleng pag-atake sa power systems, o anupaman na nangangailangan ng kuryente.


Sinabi pa ng pangulo, magandang inisyatibo ito ng NGCP na nakipagkasundo sa NICA sa harap na rin ng pangamba na pagkakasangkot ng mga foreign entity sa power transmission system na magdulot ng banta sa seguridad sa Pilipinas.

Paliwanag ng pangulo isang hakbang lamang ito hindi lamang sa NGCP kundi maging sa pagde-develop pa ng cyber systems para manatiling ligtas ang mga data na kinokolekta ng gobyerno.

Siniguro ng pangulo na patuloy na nagde-develop ang bansa ng mga hakbang para maprotektahan ang imprastraktura, magkaroon ng ligtas ang teritoryo, proteksyon sa mga data at ang personal information ng mga Pilipino.

Facebook Comments