Kaligtasan ng mga bata sa sasakyan, binigyang diin ng Malacañang

Hinikayat ng Malacañang ang mga motorista na gumamit ng car seats para sa kaligtasan ng mga bata.

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng Child Safety on Motor Vehicles Act.

Pero nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa paparusahan ang mga bigong makakasunod sa bagong batas.


Ipinagpaliban aniya ng Department of Transportation (DOTr) ang full implementation ng batas lalo na at apektado ang lahat dahil sa pandemya.

Naiintindihan aniya ng transport authorities ang paghihirap ng mga tao ngayong panahon.

“Napakahirap ng buhay kaya naman nangako ang ating DOTr na hindi muna sila manghuhuli pagdating sa mga wala pang mga child car seats. Bagamat ineengganyo nila gumamit na ng car seats para sa kaligtasan ng kabataan, eh kung hindi naman ma-afford, hindi muna tayo manghuhuli. Ito ang commitment ng DOTr,” ani Roque.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11229, o Child Safety in Motor Vehicle Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon, kinakailangan nang magkaroon ng child restraints sa loob ng sasakyan kapag may batang pasahero.

Ipinagbabawal ang mga batang 12-taong gulang pababa na umupo sa front seat ng sasakyan.

Una nang nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na maaring gamitin ang seat belt sa mga bata kung hindi na sila magkasya sa car seat.

Facebook Comments