Kaligtasan ng mga batang apektado ng Bagyong Odette, pinapatiyak ng isang senador

Pinapatiyak ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kaligtasan at kapakanan ng mga batang apektado ng Bagyong Odette.

Ayon kay Gatchalian, maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa mga bata, dapat ding tugunan ang kanilang mga pangangailangan pagdating sa kalusugan, nutrisyon, psychosocial support, at iba pa.

Diin ni Gatchalian, dapat ding mabigyan ang mga kabataan ng health at sanitation kits dahil nananatiling banta sa kalusugan ng publiko ang COVID-19.


Dagdag pa ni Gatchalian, mahalagang tutukan sa rehabilitation efforts ang ligtas na pagbabalik at pagpapatuloy ng edukasyon.

Kasunod ng nakatakdang pagpapalawig ng DepEd ng limited face-to-face classes sa Enero ng susunod na taon, sinabi ni Gatchalian na dapat bigyang prayoridad ang kaligtasan ng mga paaralan sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Tinukoy ni Gatchalian na sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, may dalawang bilyong pisong nakalaan sa Quick Response Fund (QRF) ng DepEd.

Paliwanag ni Gatchalian, ang naturang pondo ay nagsisilbing stand-by fund para sa pagkukumpuni at muling pagpapatayo ng mga gusali at pasilidad sa mga paaralan.

Dagdag pa ni Gatchalian, maaari ring magamit ang QRF para sa pag-iimprenta at paggawa ng nasirang modules at iba pang learning materials.

Facebook Comments