Kaligtasan ng mga driver at pasahero, hindi dapat masakripisyo sa gitna ng pinaluwag na physical distancing rule – Robredo

Iminungkahi ni Vice President Leni Robredo na gawin na lang munang service contracting ang mga public transportation.

Ito ay para madali pa ring maipatupad ang social distancing sa mga pampublikong sasakyan.

Sa ilalim nito, hindi kinakailangang maghabol ng boundary ang mga driver dahil babayaran sila nang hindi nakabase sa bilang ng mga sakay nilang pasahero.


Samantala, ang mungkahing ito ng bise presidente ay kasunod ng pagpapaluwag ng Department of Transportation (DOTr) sa physical distancing rule sa layong maitaas ang seating capacity sa mga pampublikong sasakyan.

Simula bukas, .75 meters na lang ang distansya o pagitan ng mga pasahero mula sa dating isang metro.

Ayon kay Robredo, masaya siya na unti-unti nang naibabalik ang public transportation.

Gayunman, dapat aniya na nakabase sa siyensya ang mga ginagawang desisyon ng pamahalaan para masigurong hindi masasakripisyo ang kita ng mga driver gayundin ang kaligtasan ng mga pasahero sa gitna ng banta ng covid-19.

“Masaya tayo na ‘yung public transport magkakaroon na nang mas marami kasi ang dami na talagang nagtitiis pero sana nakabase pa rin sa siyensya ang pagdedesisyon. May ibang mas epektibong paraan. ‘Yun nga, gawin na lang sanang service contracting para hind naman nasasakripisyon ‘yung kita ng mga jeepneys” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.

Facebook Comments