Kaligtasan ng mga empleyado at manggagawa ngayong may pandemya, tiniyak ng DOLE sa Kamara

Tinitiyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaligtasan ng mga manggagawa at empleyado sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng budget ng DOLE sa Committee on Appropriations, sinisiguro ng Bureau of Working Condition at Occupational Safety and Health Center na tuloy-tuloy ang kanilang inspeksyon sa mga workplaces sa kabila ng health crisis.

Nauna dito, ay nababahala si Gabriela Rep. Arlene Brosas na baka hindi na natututukan ang Occupational Health and Safety ng mga empleyado at mga manggagawa matapos na pansamantalang ihinto ang pag-iikot para inspeksyunin ang mga establisyimento at mga kumpanya.


Ayon kay Labor Assistant Secretary Ma. Teresita Cucueco, hanggang nitong August 20, 2020 ay nakapagsagawa na sila ng 48,000 inspeksyon sa mga establishments at workplaces katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Local Government Units (LGUs).

Sinabi naman ni Occupational Safety and Health Center Director Noel Binag na patuloy rin ang ginagawang health and standard training ng ahensya sa mga empleyado ngunit ito ay ginagawa sa pamamagitan ng online at hindi face to face bilang pag-iingat sa pandemya.

Para sa taong 2021, nadagdagan ng P10 bilyong piso o umabot sa P27 billion ang hinihinging pondo ng DOLE kumpara sa P17.4 billion na 2020 budget.

Tumaas din sa P7.4 billion ang pondo para sa ilang attached agencies tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa susunod na taon kumpara sa P1.6 billion ngayong 2020 lalo pa’t maraming programa para sa pagpapauwi sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs) na apektado ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments