Kaligtasan ng mga kabataan, dapat matiyak sa gitna ng pag-aalburoto ng Taal

Pinapatiyak ni Senador Win Gatchalian ang kaligtasan ng mga kabataan habang inililikas ang mga residenteng maaaring maapektuhan ng posibleng pagsabog ng Bulkang Taal habang nananatili ang COVID-19 pandemic.

Pinakikilos ni Gatchalian para dito ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga Local Government Unit (LGU).

Maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa mga kabataan ay isinusulong din ni Gatchalian ang agarang pagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at mga serbisyo.


Pangunahing tinukoy ni Gatchalian ang pagkain at nutrisyon, tubig, sanitary at hygiene kits, mga psychosocial interventions at iba pang kinakailangan sa panahon ng mga sakuna.

Paliwanag ni Gatchalian, ang pagkakaloob sa mga pangangailangan at mga serbisyong ito ay mandato ng Children’s Emergency Relief and Protection Act.

Sabi ni Gatchalian, itinatakda rin ng Children’s Emergency Relief and Protection Act ang mas pinaigting at komprehensibong mga hakbang upang masugpo at ma-monitor ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan sa panahon ng kalamidad.

Facebook Comments