Kaligtasan ng mga manggagawa laban sa COVID-19, dapat tiyakin ng mga employers

Pinatitiyak ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mga employers, management at may ari ng mga kompanya na tiyakin ang kaligtasan laban sa COVID-19 ng kanilang mga empleyado.

Giit ni Go, dapat gawing mahigpit ang pagpapatupad ng health protocols sa mga lugar paggawa.

Tinukoy ni Go ang pagsunod sa social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng pagkakataon, pagbabawal sa sabay-sabay na pagkain at agad na pagbukod sa mga empleyado na kakikitaan ng sintomas ng COVID-19.


Diin pa ni Go, dapat ding magpatupad ng individualized alternative work arrangements para mas mapigilan na may mahawa ng COVID-19 sa lugar-paggawa.

Sabi ni Go, halimbawa nito ang remote o work from home scheme, pagkumpleto sa scheduled hours ng trabaho taliwas sa nakagawian o sa mas ligtas na paraan at adjustments sa pagpasok at pag-alis ng mga empleyado sa opisina para malimitahan ang kanilang exposure.

Paliwanag ni Go, ang pag-iingat sa kaligtasan ng mga empleyado ay pagtiyak din na hindi madidiskaril ang operasyon ng mga negosyo.

Facebook Comments