Kaligtasan ng mga manggagawa sa pagawaan ng paputok, babantayan ng DOLE

Manila, Philippines – Sasailalim sa mahigpit na pagbabantay ng Department of Labor and Employment ang mga pagawaan ng paputok sa bansa upang matiyak ang pagtalima ng mga ito sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS).

Sa ibinabang advisory ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, inatasan niya ang lahat ng Regional Directors na mahigpit na bantayan ang pagtupad ng mga establisyamento, partikular iyong nasa pagawaan ng paputok, alinsunod sa Republic Act No. 11058, o ang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) upang maiwasan ang aksidente sa lugar-paggawa.

Bukod dito, inaatasan rin ang mga labor laws compliance officer (LLCO) na tulungan ang mga establisyamento sa pagtatama ng kanilang mga kakulangan upang makasunod sa Labor Laws.


Sakaling hindi susunod ang mga establisyamento sa patakaran, sasailalim sa imbestigasyon ang mga ito, alinsunod sa Department Order No. 183, series of 2017, o ang Revised Rules on the Administration and Enforcement of Labor Laws.

Samantala, inaasahan na ang lahat ng DOLE Regional Office ay magsusumite sa Bureau of Working Conditions (BWC) ng listahan ng kanilang na-monitor at tinulungang establisyamento sa Disyembre 28, 2018.

Facebook Comments