Isinailalim sa imbestigasyon ang mga pampublikong gusali sa Bayambang, Pangasinan upang matiyak ang kanilang katatagan at kaligtasan sa harap ng banta ng malalakas na lindol.
Pinangunahan ng Sangguniang Bayan ang nasabing hakbang bilang tugon sa sunod-sunod na pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na muling nagpapaalala sa kahalagahan ng kahandaan sa sakuna.
Tinalakay sa imbestigasyon ang mga aspekto ng disaster preparedness, kabilang ang regular na pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali, pagpapatupad ng mga evacuation protocols, at pagpapaigting ng mga hakbang para sa mas mabilis na emergency response.
Isa sa mga pangunahing rekomendasyon ng konseho ang pagsasagawa ng obligatoryong structural audit sa lahat ng pampublikong gusali upang matukoy kung ligtas at matibay pa ang mga ito sakaling muling tumama ang malakas na lindol.









