Kaligtasan ng mga Pilipinong mag-aaral, tiniyak ng Oplan Balik Eskwela Inter Agency Convergence

Iniulat ng labing pitong ahensya ng pamahalaan na bumubuo sa Oplan Balik Eskwela Inter Agency Convergence ang kanilang kahandaan para tiyakin ang ligtas na pagbabalik klase ng mga estudyante.

Sa panig ng Department of Education (DepEd), all set go na ang kanilang mga guro, eskwelahan para tanggapin ang inaasahang 28 milyong estudyante.

Sa panig naman ng Department of Health (DOH), nakatuon sila ngayon sa rollout ng vaccination para masiguro na ligtas sa anumang sakit ang mga bata at mahigpit din nilang tututukan ang pagpapatupad ng minimum health protocols.


Kapwa tiniyak naman ng Department of Trade and Industry at Department of Interior and Local Government na mayroong mura at kalidad na mga bilihin sa bawat komunidad.

Ang DSWD at NDRRMC ay patuloy na nakamonitor sa mga pasilidad na maaaring gamitin sakaling magkaroon ng kalamidad na hindi nagagamit ang mga paaralan.

Para naman sa DOTr, DPWH, MMDA, LTO, I-Act at LTFRB, mayroong sapat na mga pampublikong paaralan at maayos na kalsada na madadaanan ang mga estudyante sa buong bansa.

Sa hanay ng Department of National Defense, DILG at Philippine National Police, maglalagay sila ng mga Police Assistance Desk na malapit sa mga paaralan upang tiyakin na may seguridad ang mga estudyante bukod pa ang police visibility sa palibot ng school premises.

Ang Department of Energy naman ay tiniyak na mayroong sapat na supply ng kuryente sa buong bansa habang ang NTC at DICT ay sinabing malakas ang mga internet signal sa mga paaralan.

Tuloy naman ang feeding program ng DSWD sa mga eskwelahan habang tiniyak ng MWSS na mayroong malinis na tubig ang mga bata.

Wala pa namang nakikitang anumang sama ng panahon ang maaaring mamuo sa Lunes pero sabi ng PAGASA forecasting center, ang buwan ng Agosto ay kadalasang may maraming nararanasan na mga bagyo.

Dahil sa pag-uulat na ito ng mga government agencies, pinasalamatan sila ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio para sa maayos at ligtas na balik eskwela.

Facebook Comments