Pinatitiyak ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na nasa mabuting lagay ang lahat ng mga Pilipino sa Israel.
Hiling ni Revilla, na siguraduhin ng pamahalaan na nasa ligtas na kalagayan ang mga Pilipino sa Israel upang walang kababayan natin ang madamay o maapektuhan pa ng Israel-Hamas group conflict matapos na kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawa na sa ating mga kababayan ang nasawi.
Mahalaga aniyang matiyak na lahat ng mga kababayan ay ma-a-account at walang Pilipino ang mapag-iiwanan sa nangyayaring giyera sa Israel.
Iginiit pa nito na napakahalaga ng oras para mailigtas ang buhay ng ating mga kababayan at hindi aniya dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyerno dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya rito bawat segundo.
Malaki naman ang tiwala ni Revilla, sa mga opisyal ng pamahalaan dahil noon lamang buwan ng Abril ay ligtas na na-repatriate ang ating mga kababayan sa Sudan.