Sa layuning masiguro ang kaligtasan ng mga pulis habang nagsasanay at sa oras ng trabaho, pinasisiguro ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., na nakalatag ang mga preventive measures.
Isa ito sa mga tinalakay ng PNP chief sa kanyang command visit sa Police Regional Office (PRO) 10 kasunod ng vehicular accident sa Brgy. Maputi, Naawan, Misamis Orienta noong Sabado.
Sa naturang insidente, pitong aktibong PNP personnel, isang retiradong pulis at isang sibilyan ang nasawi; habang sugatan ang 28 pulis.
Dahil dito, pinaparebisa ni Azurin ang mga umiiral na safety protocols para sa mga pulis na sumasailalim sa training at naka-duty para maiwasang maulit ang insidente.
Ayon sa PNP Chief, kailangang matukoy ang lahat ng potential hazards na kinakaharap ng mga pulis upang makapagsagawa ng kaukulang paghahanda.