KALIGTASAN NG TAO AT ALAGANG HAYOP, PINAGTITIBAY SA LIBRENG ANTI-RABIES PROGRAM SA ASINGAN

Pinaiigting ng bayan ng Asingan ang kampanya para sa kalusugan at kaligtasan ng komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng anti-rabies vaccination para sa mga aso at pusa.

Sinimulan ang pagbabakuna kahapon, Pebrero 9, at magpapatuloy ngayong araw sa Barangay Sobol bilang bahagi ng patuloy na hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng rabies, isang sakit na mapanganib hindi lamang sa mga hayop kundi maging sa tao.

Layunin rin ng programa na mahikayat ang responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop at mapanatili ang isang ligtas at rabies-free na kapaligiran para sa lahat ng residente sa barangay.

Hinikayat ng pamahalaang bayan ang mga pet owners at fur parents na makiisa sa aktibidad sa pamamagitan ng pagdadala ng kanilang mga alaga, kasabay ng paalala na sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan tulad ng paglalagay ng tali sa mga aso at paggamit ng kulungan o carrier para sa mga pusa.

Samantala, tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy ang libreng anti-rabies vaccination sa iba pang barangay ng Asingan sa mga susunod na araw, alinsunod sa opisyal na iskedyul at anunsyo.

Facebook Comments