Kalihim ng Rebeldeng Grupo, Patay matapos Umanong Makipagbarilan

Cauayan City, Isabela-Napatay ng mga otoridad ang isang notoryus member ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos umanong makipagpalitan ng putok ng baril ng isilbi sa kanya ng mga otoridad ang Warrant of Arrest nito kahapon sa Brgy. Kimbutan, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang nasawi na si Rommel Tucay na kilalang Secretary ng Komiteng Larangang Guerilya Sierra Madre (KLG-SM).

Ayon kay Lieutenant Colonel Honorato Pascual Jr., commanding officer ng 84IB, ang naturang suspek ay kaagad na nagpaputok ng baril sa mga aaresto sa kanya makaraan umanong makatunog sa presensya ng mga otoridad nang isilbi ang Warrant of Arrest laban sa kanya.


Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, marami umanong kinakaharap na kasong criminal ang suspek tulad ng Attempted Homicide with Criminal Case No. 3123 sa MTC Pantabangan, Nueva Ecija; Homicide with Criminal Case No. 3124; two counts of Murder with Criminal Case No. 4468 at RTC Br. 96 at Multiple Frustrated Murder with Criminal Case No. 7042 pending at Br. 91, pareho sa RTC Baler, Aurora.

Nabatid rin umano na si Tucay ay maraming alyas na ginagamit gaya ng “Isaac/Elmo/David/Steve/Abraham/Peter/Samuel/Moises/Alfred/Ed/Ben at Victor”.

Narekober kay Tucay ang 9mm pistol, iba’t ibang cellphone at tablets; handheld radios; flash drives at memory cards; books at pamphlets; identification cards; food items at personal nitong gamit.

Pinuri naman ni Brigadier General Andrew D. Costelo, 703rd Brigade Commander ang mga kasapi ng PNP at Army arresting teams para sa tagumpay na operasyon matapos tumangging magpaaresto ang suspek at sinapit ang pagkamatay.

Samantala, sinabi naman ni Major General Alfredo V. Rosario Jr., Commander 7th Infantry Division, Philippine Army, na ang panlalaban ni alyas ‘Isaac’ ay nagpapatunay lamang na isa itong panganib sa lipunan.

Iginiit pa ng heneral na kung talagang nagsisisi si Tucay sa kanyang kasalanan ay boluntaryo itong susuko sa mga otoridad kung kaya’t panawagan nito sa mga may pending criminal cases na sumuko ng payapa at harapin ang kasalanan sa korte.

Facebook Comments