Manila, Philippines – Tinawag ng DOST-PAGASA na fake news patungkol sa Bagyong ‘Gardo’ na pumasok kaninang madaling araw sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na nagdulot ng kalituhan.
Ayon kay Dr. Esperanza Cayanan, ang chief ng weather division, nagdulot ng pangamba at kalituhan sa publiko kung kaya at nag-anunsiyo rin ng class suspension ang ilang local government sa Luzon sa banta na lalo pang lumakas ang sama ng panahon habang ito ay nasa karagatan.
Paliwanag pa ni Dr. Cayanan, nasa typhoon category lamang ang Bagyong Gardo at hindi isang super typhoon gaya ng mga naunang napaulat.
Batay sa pinakabagong weather bulletin na inilabas ng weather bureau, huling namataan ang Typhoon Gardo sa layong 1,165 kilometers silangan ng Basco, Batanes kung saan napanatili nito ang lakas habang gumagalaw sa west northwest ng Philippine Sea.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 200 kilometers per hour, pagbugsong 245 kph at kumikilos sa bilis na 30 kph sa direksyong kanluran hilagang-kanluran.
Bagaman walang storm warning at hindi na magla-landfall, inaasahan na palalakasin ng Bagyong ‘Gardo’ ang hanging habagat na magdadala ng pag-ulan sa MIMAROPA, Western Visayas, Metro Manila, Calabarzon, Bicol Region, Zambales, Bataan at Aurora.
Posibleng sa araw pa ng bukas mararanasan ang malalakas na pag-ulan hanggang sa araw ng Miyerkules (July 11) kasabay ang paalala sa nga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat at maging alerto laban sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa July 11, sinasabing tuluyang makalalabas ng PAR ang typhoon ‘Gardo’ kung saan sunod itong mananalasa sa mga bansa Taiwan at China.