Nanawagan ang isang komite sa Kamara sa mga ahensyang sangkot sa Kaliwa Dam Project na itigil ang aktibidad nito sa loob ng apektadong ancestral domain ng mga katutubong Dumagat.
Sa pagdinig ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous People, isiniwalat ng mga mambabatas na hindi pa napipirmahan ang Free Prior and Informed Consent (FPIC).
Ang FPIC ay nagsisilbing espisipikong karapatan na nagpapahintulot sa mga indigenous people na payagan o harangin ang proyektong maaaring makaapekto sa kanilang teritoryo.
Giit ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hindi pwedeng ipatayo ang dam hangga’t hindi nalalagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Dumagat tribe at ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ang nagsisilbing negotiating party sa pagitan ng gobyerno at mga katutubo, hindi malagdaan ang FPIC dahil sa hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig sa magiging hatian sa kita sa proyekto.
Samantala, target ng MWSS na masimulan ang paghuhukay para sa Kaliwa Dam Project sa Disyembre, oras na mapirmahan na ang lahat ng mga kinakailangang dokumento.