Kaliwa Dam project, posibleng kanselahin – Palasyo

Nilinaw ng Malacañang na posibleng kanselahin ng pamahalaan ang ₱18.7-billion China-funded Kaliwa Dam project sa Quezon.

Sa harap ito ng kabi-kabilang kontrobersiya at pagkuwestyon ng ilang environmental advocacy group sa pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng DENR sa nasabing proyekto.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kung mapapatunayang disadvantageous ito para sa bansa at sa mga residente malapit sa lugar ay magdedesisyon ang gobyerno na huwag nang ituloy ang proyekto.


Naniniwala naman ang palasyo na hindi makakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at China ang posibleng kanselasyon sa Kaliwa Dam project.

Giit ni Panelo, mauunawaan ng China ang posibleng maging hakbang ng Pilipinas lalo’t tiyak na ito rin ang magiging aksyon nila kung sila ang nasa posisyon ng bansa.

Sa kasalukuyan, hihintayin pa muna ng pamahalaan ang resulta ng gumugulong na imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na proyekto.

Una nang tinutulan ng environment groups ang Kaliwa Dam project dahil masisira umano nito ang bahagi ng Sierra Madre Range na idineklarang National Park and Wildlife Sanctuary.

Facebook Comments