Kaliwa’t kanang aktibidad ang inilunsad kahapon kaugnay ng paggunita sa ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines ang pag-aalay ng bulaklak sa People Power Monument sa Quezon City.
Dumalo sa aktibidad ang mga pamilya, kaibigan at taga-suporta ng mga biktima ng Martial Law at ng mga nanguna sa mapayapang rebolusyon noong 1986 na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nagtipon-tipon din ang mga beterano ng People Power sa Kalayaan Hall ng Club Filipino sa San Juan City kung saan nanumpang pangulo ng bansa si Corazon Aquino.
Present doon ang anak nina dating Pangulong Cory at dating Sen. Ninoy Aquino na si Viel Aquino-Dee at si Liberal Party Spokesperson Leila de Lima.
Ang apo naman nilang si Francis Aquino-Dee ang nanguna sa aktibidad sa Ayala, Makati City kasama si dating Senador Rene Saguisag na isa sa framer ng 1987 Constitution.
Nagsagawa rin ng EDSA Freedom Ride na nilahukan ng mga grupo ng mga jogger at siklista na nakasuot ng dilaw na damit.
Ilang progresibong grupo naman ang nagkasa ng kilos-protesta sa EDSA Shrine bilang pagtutol sa Charter Change.
Hindi idineklarang holiday ng Malacañang ang February 25 dahil natapat naman daw ito ng araw ng Linggo.