Nanawagan ngayon ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa mga kababayan sa Pangasinan na apektado ng grassfire na magtutulong-tulong sa pag-apula sakaling magkaroon ng sunog.
Sa naging panayam ng iFM Dagupan kay PDRRMO Chief Col. Rhodyn Oro, sinabi nitong sakaling magkaroon ng grassfire o bushfire sa isang lugar ay nangangailangan ito ng isang collective solution hindi lamang ang mga responders bagkus maging sa mga kababayan o residente.
Dagdag pa niya, ang mga nagaganap na mga grassfire ay dapat agad na respundehan upang hindi na lumaki at kumalat pa dahil kung lumaki na ito ay hindi na makokontrol at mahihirapan na ang mga responders.
Samantala, matatandaang nagkaroon ng kaliwa’t kanang mga grassfire sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan gaya na lamang sa Brgy. Bonuan sa Dagupan City na kadalasang nagkaroon ng grassfire, sa Brgy. Malico, sa bayan ng San Nicolas, Lingayen, Calasiao at marami pang iba dahil sa init ng panahon at dahil na rin sa hindi na-kontrol na pagsunog minsan ng mga residente.
Ipagbigay alam umano agad sa mga awtoridad partikular na sa BFP personnel upang agad ding maapula at hindi na makapaminsala pa ng kapaligiran. |ifmnews
Facebook Comments