Kaliwa’t kanang pinsala ang naitala sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol sa Sarangani, Davao Occidental kahapon.
Ayon kay Marie Doria ng Don Marcelino, Davao Occidental MDRRMO, isang bahay sa Barangay Kinanga ang totally damage habang 14 na kahabayan ang partially damage sa Barangay Lawa.
May dalawang government facility rin ang bahagyang napinsala.
Sa Matina, Davao City, bumagsak ang isang crane at mga debris mula sa tuktok ng ginagawang condominium building.
Halos buong SOCCSKSARGEN naman ang nawalan ng suplay ng kuryente kasunod ng pagtama ng lindol.
Isang classroom sa isang eskwelahan sa Barangay Apopong sa General Santos City ang umano’y nahati.
Samantala, apektado ng landslide ang kalsada sa boundary ng Glan at Malapatan sa Sarangani kung saan nagbagsakan ang malalaking bato.
Ayon kay Sarangani PDRRMO Head Rene Punzalan, nasa 50 estudyante ng Alabel National High School ang nasaktan at hinimatay dahil sa panic.
Ilang mag-aaral din sa Koronadal ang dinala sa ospital matapos mawalan ng malay dahil sa stampede habang inilikas naman ang ilang pasyente ng South Cotabato Provincial Hospital dahil sa takot na gumuho ang gusali.
Ilang empleyado naman ng Mall of Ace Centerpoint ang nadaganan ng nagbagsakang gamit habang bumigay rin ang kisame ng Gaisano Mall.