Muling nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko partikular sa mga residente nito na huwag basta balewalain sakaling makagat o makalmot ng aso o pusa.
Ito’y kasunod ng naitalang dalawang bata mula sa Maynila na nasawi matapos makagat ng asong may rabies.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nagkumpirma nito pero hindi na nagbigay ng karagdagang detalye.
Aniya, binawian ng buhay ang dalawang bata nang hindi sila mabigyan ng kailangang bakuna laban sa rabies.
Sinabi ng alkalde na sa sandaling makagat ng hayop ang isang tao, kailangan nilang agad na magpabakuna upang matiyak na ligtas sila sa rabies lalo na’t libre naman binibigay ang bakuna sa lungsod.
Nabatid na bukod sa Sta. Ana at Ospital ng Maynila, may walong bite center sa lungsod na nagkakaloob ng free anti-rabies vaccination sa mga health center sa anim na distrito.
Maaari din i-avail ang nasabing serbisyo nang libre sa loob mismo ng Manila City Hall.