Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa na tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante sa gitna ng inilabas na memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi na papayagan ang “fully-online classes” maliban na lamang kung may clearance mula sa ahensya.
Apela ni Go sa educational authorities at institutions na huwag sanang ipapasan sa mga kolehiyo ang bigat ng pagbabalik ng “in person classes” lalo’t naririyan pa rin ang COVID-19.
Paglilinaw ni Go, chairman din ng Committee on Health, suportado niya ang dahan-dahang pagbabalik sa normal na sitwasyon ng bansa pati na ang pagbabalik ng pisikal sa klase ng mga estudyante.
Magkagayunman, dapat na masiguro ng mga paaralan ang kaligtasan ng lahat ng mga mag-aaral.
Muling umapela ang mambabatas sa mga school administrator at sa mga guro na mahigpit na ipatupad ang kinakailangang COVID-19 health protocols.
Hiling din ng senador sa mga eskwelahan na huwag maging kampante dahil naririyan pa rin ang banta ng sakit.