“Kalusugan Food Trucks” sa mga eskwelahan sa buong bansa, ikakasa ng OVP!

Ilulunsad ng Office of the Vice President (OVP) ang “Kalusugan Food Trucks” sa mga paaralan sa bansa.

Ayon sa OVP, layon nito na maghatid ng serbisyo sa mga eskwelahan na may problema sa gutom at malnutrisyon sa buong bansa.

Sinabi ni Local Affairs and Special Programs Division Chief Norman Baloro, ipatutupad ang nasabing programa sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng National Nutrition Council (NNC).


Ipapakalat aniya ang food trucks sa mga paaralan sa Luzon, Visayas at Mindanao, kung saan susundin ang 120 araw na feeding program menu.

Dagdag pa Baloro, siyam na paaralan ang target nila sa loob ng isang taon.

Bukod dito, magsisilbing augmentation resource ang food trucks tuwing may kalamidad at magiging bahagi ng disaster operations upang maghatid ng pagkain sa mga biktima.

Facebook Comments