Kalusugan ng isang kumakandidatong senador, kinuwestiyon sa COMELEC

Nagtungo sa Commission on Elections (COMELEC) ang dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) official na si Mocha Uson.

Ito’y para personal na ipadala ang kaniyang sulat para kwestyunin ang kakayahan at kalusugan ni dating Vice President Jejomar Binay na kumakandidato bilang senador.

Sa pahayag ni Mocha, nais lamang niya na gawin ng COMELEC ang kanilang mandato hinggil sa kalusugan ni Binay lalo na ang mental capability nito dahil nakararanas na umano ng dementia o memory disorder ang dating pangalawang pangulo.


Aniya, marami ang lumalapit sa kaniya na nagsasabing tila hindi na kaya pa ni Binay na gampanan ang pagiging opisyal ng gobyerno sakaling ito ay manalo.

Muling iginigiit ni Uson na sa kasalukuyan ay hindi na maayos ang kalagayan ni Binay at mapapatunayan ito sa madalang na partisipasyon sa campaign rallies sa nakalipas na dalawang buwan.

Sinabi pa ni Uson na kung may dinaranas na mental disorder si Binay ay hindi dapat magbulag-bulagan dito ang COMELEC at siguraduhin ang kanilang mandato na tiyakin na sinumang tumatakbo ay nasa tamang pag-iisip at kalusugan.

Umaasa rin si Uson na hindi totoo ang lumalabas na report na may dementia si Binay gayunpaman kung maging totoo ito, dapat maging transparent sa issue ang COMELEC.

Facebook Comments