Kalusugan ng mamamayan, dapat maproteksyunan laban sa matinding init ngayong Semana Santa

Ikinabalaha ni ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Reyes ang posibleng masamang epekto sa kalusugan ng patuloy na tumataas na temperatura kasabay ng paggunita ng Semana Santa.

Pahayag ito ni Reyes kasunod ng impormasyon mula sa PAGASA na umaabot na sa 45℃ ang heat index sa ilang mga lugar sa bansa.

Bunsod nito ay hinikayat ni Representative Reyes ang publiko na sundin ng mahigpit ang payo ng Department of Health kung paano mapangangalagaan ang kalusugan laban sa heat stroke at iba pang sakit na dulot ng tag-init.


Pangunahing binanggit ni Reyes ang paglimita ng oras sa labas o sa ilalim ng araw, pag-inom ng maraming tubig gayundin ang pag-iwas sa kape, tea, soda at mga inuming nakalalasing.

Dagdag pa ni Reyes, makatutulong din na gawin ang mga aktibidad sa umaga o hapon na hindi masyadong mainit ang temperatura.

Ipinaalala rin ni Reyes sa publiko ang mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols sa mga dadaluhang religious gatherings ngayong Holy Week dahil nananatili at tumataas muli ang bilang ng dinadapuan ng COVID-19.

Facebook Comments