Nanawagan si Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go sa lahat na ipagpatuloy ang kooperasyon para maproteksyunan ang kalusugan ng bawat isa ngayong kampanya at nalalapit na botohan habang nananatili pa rin ang COVID 19.
Ayon kay Go, kahit bumubuti na ang COVID-19 situation sa bansa ay dapat pa rin tayong mahigpit na sumunod sa health protocols tulad ng pagsasagawa ng social distancing, at tamang pagsusuot ng face mask.
Diin ni Go, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa para hindi muling kumalat ang COVID-19, hindi mahirapan ang ating healthcare system at tuluyang makabangon ang ekonomiya.
Ayon kay Go, magagawa ito kung patuloy tayong makikiisa sa pamahalaan, magmamalasakit sa kapwa at makikipagbayanihan sa isa’t isa.
Kaugnay nito ay pinapatiyak naman ni Go sa mga kinauukulan ang mga hakbang na magbibigay proteksyon sa mga botante tulad ng tamang ventilation sa polling precinct, at mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.
Sabi ni Go, kailangang gawing istrikto ang implementasyon ng patakaran sa mga polling precinct at dapat maipaalam agad sa mga botante ang pandemic-related restrictions para sa halalan.