Ibinabala ni Senator Pia Cayetano ang masasamang idudulot sa kabataan ng pagsasabatas ng Vape Bill o panukalang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Regulation Act na pasado na sa Kamara at Senado at naghihintay na lang ng lagda ng pangulo.
Mariin ang pagkontra ni Cayetano sa pagpapahintulot ng panukala na makabili ng vape ang mga kabataan na edad 18 kaya pwede ng humithit nito kahit nasa senior high school.
Ayon kay Cayetano, sana ay ikinonsidera ang sinabi ng mga eksperto na patuloy na nagma-mature ang utak ng tao hanggang 25 taong gulang at ang maagang exposure sa nicotine na taglay ng vape products ay maaring makasira dito.
Binatikos din ni Cayetano ang pagpayag ng panukala na sa sari-saring flavor ng vape na mas makakahikayat sa mga kabataan.
Hindi rin makatwiran para kay Cayetano ang probisyon sa Vape Bill na magbibigay sa Department of Trade and Industry (DTI) ng mandato na i-regulate ang vaping products na dapat ay nasa kamay ng Food and Drug Administration dahil nakataya rito ang kalusugan ng publiko.
Malinaw para kay Senator Pia na ang tunay na layunin ng Vape Bill ay proteksyunan ang vape industry at nagpapanggap lang na health regulation.