Patuloy na hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang mamamayan na pangalagaan ang kalusugan at palawakin ang kaalaman tungkol sa kanser sa pagdiriwang ng National Cancer Consciousness Week tuwing ikatlong linggo ng Enero, ayon sa Proclamation No. 1348 s. 1974.
Layunin ng selebrasyon na itaas ang kamalayan sa panganib ng kanser sa pamamagitan ng pambansang kampanya sa edukasyon hinggil sa tamang paggamot, maagap na pagtukoy sa sintomas, at epektibong kontrol sa sakit.
Ayon sa Department of Health – National Nutrition Council, mahalagang tandaan ang “CAUTION US” bilang gabay sa mga warning signs ng kanser tulad ng pagbabago sa bowel o bladder, sugat na hindi gumagaling, hindi pangkaraniwang pagdurugo o discharge, bukol o paglaki ng bahagi ng katawan, hirap sa paglunok, pagbabago sa kulugo o peklat, palagiang ubo o paghoarseness, hindi maipaliwanag na anemia, at biglaang pagbaba ng timbang.
Bukod dito, ayon sa World Cancer Research Fund, may ilang paraan upang maiwasan ang kanser, kabilang ang pagpapanatili ng tamang timbang, pagiging aktibo, pag-iwas sa matatamis na inumin, processed meat, at alak.
Muling pinaalalahanan ang mga residente na agad magpatingin sa doktor kapag nakakaranas ng kakaibang sintomas upang maiwasan ang mas malalang komplikasyon, at patuloy na pangalagaan ang kanilang kalusugan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










