Siyento porsyentong handa ang Kamara de Representantes sa gaganaping ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26.
Ito ang tiniyak ni Dr. Raffy Valencia, OIC-Director ng House Medical and Dental Service, na nakahanda 100% ang Mababang Kapulungan sa SONA kahit pa may banta ng Delta variant.
Ayon kay Dr. Valencia, kung ikukumpara sa mga nakalipas na SONA ay mas mahaba at mas mabusisi ngayon ang safety at health protocols dahil sa pandemya.
Lahat aniya ng House at Senate members, mga bisita, at personnel na papasok sa plenary hall sa SONA ay kailangang magprisinta ng negative RT-PCR test result, sumailalim sa Antigen test, magpakita ng vaccination card at SONA ID na inisyu ng Kamara gayundin ay pinagsusumite ang mga ito ng Health Declaration Form mula sa Presidential Security Group (PSG).
Inihanda naman ang tatlong gusali na “sanitized areas” o “bubble building”, ang South Wing Annex, Main Building, at Ramon V. Mitra Building, kung saan hindi maaaring makapasok dito ang sinumang walang RT-PCR at antigen test result at hindi na rin pwedeng lumabas hanggat hindi natatapos ang ulat sa bayan ng Pangulo.
Ang mga papasok sa mga nabanggit na “bubble building” ay dadaan muna sa antigen test ng PSG sa North at South Wing lobby entrances.
May hiwalay ding RT-PCR at antigen test para sa mga empleyado ng Kamara na papasok sa araw ng SONA pero hindi naman papasok sa mga “bubble buildings”.
Pinayuhan naman ni Dr. Valencia ang mga bisita at dadalo sa SONA na mag-double mask bunsod na rin na anim na beses na mas nakakahawa ang Delta variant.