Manila, Philippines – Inaalam na ng House Committee on Good Government kung galing din sa local tobacco excise tax funds ang ibang anomalya na natuklasan ng komite laban kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Bukod kasi sa 66.45 Million na halaga ng mini-trucks at mini-cabs ng lokal na pamahalaan gamit ang tobacco excise tax funds, napag-alaman din sa isinumiteng dokumento ng COA sa Kamara na may mga cash advances din na aabot sa 40 Million na ginamit sa ibang mga proyekto ng lalawigan.
Kabilang sa mga proyektong ito ang pagbili ng mga bus, bust sculptures sa Paoay museum, at pagbili ng mga gamot at fertilizers na ipinamahagi sa mga munisipalidad ng Ilocos.
Ayon kay Good Government Committee Chairman Johnny Pimentel, sisilipin pa nila sa komite kung ang mga cash advances dito ay mula sa local tobacco funds na dapat sana ay para sa mga magsasaka ng lalawigan.
Maaari aniyang maghain ng hiwalay na resolusyon para sa imbestigasyon dito o kaya naman ay magsagawa ng moto propio investigation.